Friday, July 12, 2013


Paranoia. Anxiety. Stress. Depression.  Luha. Iyak. Walang tulog. Pagod. Puyat. Warla. LOA. Frustrated. Bored. Lonely. Gutom. Nauseated. Gurang. Takot. Invisible. Hopeless. Reasons. Nanghihina. Nangangatal.Lahat yan naramdaman, narararamdaman, at mararamdaman ko pa sa mga susunod na araw, linggo, buwan at hindi ko alam kung aabutin pa ng taon. Lahat ng piraso ng buhay ko na inilathala ko rito, lahat ng mga bagay na nagbibigay ng kahulugan at kasayahan sa buhay ko, ay unti-unting nawawalan ng saysay sa akin. Tila ba ay nararamdaman kong ang mga tao at bagay na pinapahalgahan ko at pinagkukunan ng inspirasyon ay hindi naiintindihan, at sa paulit-ulit na pagpapaliwanag ay hindi maintindihan ang nararamdaman ko. Tila walang nakikinig. Tila walang nais makinig. Tila walang may pakialam. Tila walang nais makialam. Marahil nga, ay kapiraso nalang ng buhay ko ang natitira, ang nanatiling humihinga, samantalang ang ibang makulay na piraso ay nangingitim dahil na rin sa apoy na unti-unting lumalamon sa kulay at buhay nila. Ako ay isang piraso nalang na palutang-lutang, patuloy na lumalaban para hindi maupos. Minsan, gusto ko magpahinga. Pero kahit saang lugar ako tumingin, walang lugar para magpahinga. Walang lugar para huminga. Wala ring tao para hingahan. Nakaka-miss makasalamuha ng taong makatao. Nakaka-miss magmahal ng mga taong nagmamahal. Nakaka-miss yakapin ng mga taong maaasahan. Nakaka-miss humawak sa kamay ng mga taong hindi ka bibitawan.Pinay nga ako. Social relationships make me happy, and when the time comes that those relationships aren't going well, and the people you expect to be there for you fail to do so, you feel lonely, sad, and uninspired.Sa tinagal-tagal ng panahong hiniling mong maging maayos ang lahat, wala pa ring nangyayari. Walang nagaganap. At para ka pa ring piraso ng papel na palutang lutang, walang pinatutunguhan. Lahat ng pag-asang natitira sa puso mong bibigay na ay unti-unting sinusunog ng realidad ng buhay.Pagpasensyahan mo na kung masyadong mabigat ang laman nito. Marahil ay tinutulungan ko lang rin ang sarili ko. 

Monday, April 8, 2013

Patuloy ang Paglalakbay



MOVING FOWARD 

Pinakamahalagang Kaalaman
           Ngayong ako na ay tapos sa Sikolohiyang Pilipino, ang pinakamahalagang knowledge na natutunan ko sa kurso ay ang kaalaman kung paano ang isang tao ay hinuhubog ng kanyang pamilya. Dahil sa Psych 108, mas nakilala ko ang aking sarili. Nabigyan ko kahit papaano ng paliwanag ang mga kinakalakihan kong kaalaman at mas naging kritikal ako kung tama o mali ba ang mga iyon. Lalo ko rin naappreciate ang aking pagiging Pilipino sa kursong ito, lalo na sa kaalaman sa Filipino identity. Ngayon, naipagtatanggol ko na ang sarili ko sa mga nagsasabing tayo ay damaged culture. Iyong dalawa ang pinakatumatak sa isip ko na kaalaman.


Tatak 108
DATI:
Think: Mahirap kasi Filipino language, pero madali lang kasi alam ko naman na ang Filipino Culture. Wala naman na atang masyadong maidadagdag sa kaalaman ko ang 108.
Feel: Boring siguro yung teacher. Pang-matanda yung name eh.
Do: Makikinig lang siguro ako sa klase.
NGAYON:
Think: Mas maappreciate mo pala ang psychology lalo na kung nasa konteksto ng kulturang kinabibilangan mo. Mas malalim ang pag-unawa dahil wika ko ang ginamit. Andaming naidagdag sa kaalaman ko, at may armas na ako kung paano makikipagunayan sa aking mga relasyon: sa lipunan, romantiko, pamilya, at kapwa.

Feel: Sobrang galing ng guro, dahil hindi lang napupuno ang utak ko ng kaalaman kundi lalo na ang puso ko ng mga emosyonal na alalaala. Fresh at youthful pa ni Sir, walang dull moments. Laging happy pero informative. Dagdag pa rito, mas dama ko ang pagkaPilipino ko dahil sa buong termino, panay mga local na halimbawa, maski lokal na palabas ang example niya. Sobrang worth it ang subject na ito.

Do: Maraming gawain sa klase na ito na relevant naman sa buhay mo. Ang seatmate mo lagi mong mapagbubuksan ng loob. Makakapagbahagi ka lagi sa mga groupwork. Mas makikilala mo ang sarili mo sa klaseng ito. Bawat konsepto, susubukan mong i-apply sa buhay mo. Mag-enroll ka na dito! Now na! 


Huling Mensahe
        Maraming salamat Sir Ton, dahil mas lumalim ang pag-unawa ko sa aking sarili dahil sa PSYCH 108. Lalo rin napagigting sakin ang responsibilidad bilang Iskolar na gamitin ang lenteng Pinoy sa bawat pag-aaral na aking gagawin. Salamat mga kapwa mag-aaral sa bawat kwento at eksperiensya ninyong ibinahagi para lalo kong maunawaan ang mga bagay-bagay. Salamat sa mga tawanan at kwentuhan. Ito man ang ating huling sayaw, tiyak na bawat hakbang at galaw ay tatak sa aking puso’t isipan.





IV. MMK: Payong Makahulugan ni Ate Charot-era



MMK: Malawak at Malalim na Kaalaman

          Magandang araw mga Charotsters! Nandito na naman po tayo sa isang blog post na tinawag kong “Laki sa Layaw: Juvenile Delinquency” edition. Sa araw po na ito ay sasagutin ko ang katanungan ng isang letter sender sa akin. Isa po siyang Ina na nais malaman paano ba matutulungan ang kanyang anak. Ito pa ang sulat ni Mrs. Santos:
 


Ito naman po ang aking sulat sa kanya:


           Magandang araw, mga charotsters! Sa sagutan nga ng mga sulat namin ni Mrs. Santos ay makikita natin ang topic ng MMK blog ko ngayon: Juvenile Delinquency. Ano nga ba ang juvenile delinquency? Kung batas ang pag-uusapan, ang isang juvenile delinquent o children in conflict with the law (CICL) ay mga kabataan na nakagawa ng kasalanan habang siya ay nasa edad 10-17. Sa sikolohiya naman, ang delinquency o ang mga antisocial behaviors ay mga asal na hindi naaayon sa norms o mga tamang pagkilos na tinatag ng lipunan at ng batas. Dahil nga hindi ito ayon sa batas ng lipunan at gobyerno, ito ay kadalasang may kalakip na pagididsiplina at kaparusahan. Halimbawa ng mga parusang ito ay ang pagkakasuspende sa eskwelahan o pagpapaunta sa principal’s office, o di kaya’y pagdadala sa isang CICL sa ahensiya ng gobyerno tulad ng DSWD. Ang mga asal na ganito ay hindi pasulpot-sulpot. Lumalala ito sa pagtagal ng panahon, at lalong nagiging delikado at negatibo ang maaring idulot nito sa bata at lipunan. Halimbawa, maaring magsimula ito sa simpleng pangungupit ng mga gamit sa bahay, hanggang sa pagiging snatcher sa kalsada, o malala pa ay sa pagpatay.

     Ngayon, bakit nga ba nagkaganoon ang iyong anak? Huwag mo solohin ang sisi, Mrs. Santos. Hindi lang naman ikaw ang mundo ng iyong anak. Ang development ng ganitong mga asal ay contextual. Ibig sabihin, ang iyong anak ay naging delikwente dahil sa kanyang paligid, at lahat ng sistema (pamilya, eskwela, kaibigan) na ito ay magkakaugnay sa paghuhubog sa iyong anak. Dagdag pa rito, ang iyong anak rin ay may kapangyarihan na impluwensiyahan ang kanyang paligid at ang kanyang development.
     Ilan sa mga risk factors na dapat nating tignan ay una, ang child-centered factors. Maari rin naman kasing nagkaroon ang iyong anak ng neuropsychological problems kung saan ang may development ng neuropsychological process (structure at functions ng utak na may kinalaman sa psychological make-up ng tao) ay hindi naging maayos. Kadalasan ikinakabit ito sa hindi pagdevelop ng maayos ng utak ng bata habang nasa sinapupunan palang siya. Kung kayo Mrs. ay na-expose sa bisyo, masamang gamut, o di kaya nama’y hindi kayo malusog nung pinagbubuntis niyo ang anak niyo, maaring nagkaroon ng problema sa brain development ang anak niyo kaya nagpapakita siya ng antisocial behaviors. Mayroon ding relasyon ang mababang IQ at language skills sa antisocial behaviors. Kadalasan maaring brain impair ang dahilan pero pwede rin namang namana niya ito sa mga magulang niya. Nakita kasi sa pag-aaral na ang mga batang medyo mahina sa pag-iisip ay may mga magulang na ganun rin naman ang intelektwal na kapasidad. Dahil dito, maaring kaya nagdrop-out ang anak niyo dahil nawalan siya ng interes kasi hindi siya makasabay sa eskwela. Ayon pa naman sa pag-aaral ng NSO, kawalan ng interes ang numero unong dahilan bakit nag-drodrop out ang mga kalalakihan. Dagdag pa rito, nakita nila ang maaring relasyon ng pagiging drop-out sa antisocial behaviors.
Pangalawang dapat rin nating tignan ang paraan ng pagpapalaki niyo sa inyong anak, at kung paano ba ang tunguhan niyo sa isa’t-isa. Ayon kasi sa pag-aaral, nakikita na karaniwan sa mga CICL ay mga batang hindi maganda ang karanasan sa loob ng pamilya. Sila ang mga batang inaabuso, sinasaktan, pinapagalitan, at pinapabayaan. Sa loob ba ng pamilya niyo Mrs. Santos, paano kayo magtunguhan? Paano niyo din trinatrato ang anak niyo? Malaking bagay kasi ang pamilya sa pag “make or break” ng isang bata. Katuwang mo ba ang asawa mo sa pag-aalaga? O mag-isa ka nalang nagpapalaki sa kanila? Maari kasing ang pagkahiwalay at sira ng pamilya ay dahilan ng pagiging delinquent. Naibibigay niyo ba ng tama ang pangangailangan ng inyong mga anak? Nagkukulang ba kayo sa pag-aalaga? Maaring dahilan rin kasi ito. 
     
     Pangatlong dapat tignan ay ang mga barkadang laging sinasamahan ng inyong anak. Karaniwan na isipin na ang barkada ang masamang impluwnesiya sa inyong anak. Pero, ayon sa pag-aaral, napatunayan na kaya napupunta sa masasamang imluwensiya ang inyong anak ay dahil sa problema o kakulangan sa pamilya. Nakita kasi na kapag problemado ang pamilya, sa barkada maghahanap ng kalinga at kasiyahan ang inyong anak. Totoo, may impluwensiya ang barkada sa inyong anak. Ayon nga sa pag-aaral sa Pilipinas, tatlo sa limang delinquent child ay naimpluwensiyahan lamang ng kanilang mga barkada. Nakikita kasi ng mga bata ang barkada bilang kanilang pamilya, lalo na kung problemado ang totoo nilang pamilya. 


Ano ngayon ang maaari mong gawin upang matulungan ang iyon anak? Liban sa trabaho ng gobyerno para sa mga programang pangkabataan, dapat un among pagtuunan ng pansin ang iyong pamilya. Siguraduhin mo, Mrs. Santos, na naibibigay mo ang pangangailangan ng iyong anak, mapa-pisikal na pangangailangan ito o emotional. Lagi mong iparamdam sa anak ang pagmamahal imbis na pagalitan siya sa lahat ng pagkakamali. Dapat din ay iwasan niyong iparamdam sa inyong mga anak ang problema ninyong mag-asawa. Siguraduhin mo rin na ang anak mo ay may pamilyang mauuwian na lubos na nagmamahal at tatanggapin siya, kahit anong nagawa niyang pagkakamali. Dapat din ay gabayan mo ang iyong anak sa pagpili niya ng mga kaibigan at kabarkada. Turuan mo siyang tumayo sa sarili niyang paa, para kayanin niyang tumanggi sa masasamang impluwensiya. Siguraduhin mo rin na nabibigyan mo ang iyong anak ng sapat na edukasyon. Huwag mo siya hayaan magdrop-out. Tulungan mo siyang bumalik sa eskwela at gabay mo siya ng talino at pagmamahal. Kapag lalong wala siya sa eskwela, lalo siyang ma-eexpose sa masasamang impluwensiya sa labas ng bahay.

     Naniniwala akong may pag-asa pa ang iyong anak. Gabayan mo siya tungo sa matuwid na landas. Ipakita mo at ng pamilya mo na ang mga tao sa bahay, ay para niyang mga kaibigan: maaasahan, mahihingahan ng saloobin at mamahalin siya. Subukan mo rin maglaan ng panahon kung saan ang buong pamilya ay gagawa ng productive na bonding activity. Bakit hindi ka magsimula sa talent ng iyong anak sa pagdrawing at pagpinta? Malay mo, ma-divert mo ang vandalism ng anak mo tungo sa mas maganda at kapakipakinabang na sining. 


Salamat po sa pagsulat sa akin. Sana po ay patuloy niyo pang tangkilikin ang MMK. Sa susunod na blog ko po ay tatalakayin ko ang problema ng isang kabataang babae sa boyfriend niyang gustong laging nasusunod. Muli, ako po si Ate Charo-tera, nagmamahal.







Mga Imahe na Ginamit





Sunday, April 7, 2013

II. T.U.L.A.Y. -Katutubong Konsepto

Ang Dakilang T.U.L.A.Y.:
T.ruly U.nderstands my L.ovelife, A.ssists alwaY.s


(The Bridge of Love Locks, Hohenzollernbrücke railway bridge in Cologne, Germany)

     Alam mo ba na sa iba’t-ibang lugar sa buong mundo tulad ng Rome, Valencia, Paris, Australia, Uruguay at Vancouver Island ay may mg bridge of love locks (ayon sa malloryontravel.com)? Ang mga bridge na ito na kinakabitan ng mga padlock ay sumisimbolo daw sa wagas na pag-ibig at pagmamahalan dahil nakakandado na ang puso mo sa isang tao. 


     Pero alam mo rin ba, na sa Pilipinas, meron naman tayong LOVE BRIDGES? Sa ating konteksto, mas bida ang “bridge” dahil ito ang tumutulong para ma-lock ang love. Dagdag pa rito, sa ating konteksto ang love bridge ay TAONG kadalasang malapit sa atin (eg. bestfriend, classmate). 

     Ano nga ba ang taong TULAY? Una siya ay TRULY UNDERSTANDING of your LOVELIFE. Oo, sa lahat ng mga kabaliwan mo sa pag-ibig, siya ang tunay na nakakintindi at umiintindi sayo. Lagi siyang nanjan para makinig sa mga hinanaing ng puso mo. Pangalawa, siya ay ASSISTING. Kung sa English word ay “wingman”, ang tulay ay mas holistic ang pagtulong. Tutulungan ka niyang mag-isip at gumawa ng pakulo para sa crush mo. Minsan pa nga siya ay ang first point of contact mo at ng crush mo. At panghuli, ALWAYS. Mahalaga ang aspeto na ito, dahil ang tunay na tulay ay ilalakad ka sa crush mo kahit paki-usapan mo, or minsan pailalim pa. Halimbawa, pwede niyang lapitan ang crush mo at mag-imbestiga kung ano ang mga gusto at hilig ng crush mo para makapag-tip siya sa’yo ng mga plus pogi/ganda points. Ang kaibigan naman na tinutulungan ng TULAY ay tinatawag na TINUTULAY.


Characteristics ng isang TULAY 

1
. Gender: Maaring lalaki, babae, bakla, tomboy, atbp. ang isang tulay. Maari ring pareho o magkaiba ang gender ng tulay at tinutulay.

2.
Edad: Kadalasan, ang isang tulay ay ka-edad o malapit ang edad sa tinutulay.
3.
Maka-Kapwa at Tagasalo Syndrome: Ang tulay ay sobrang makakapwa, na hindi lamang siya tumutulong sa pagpapakilala sa tinutulay, tumutulong rin siya sa buong proseso ng panliligaw, hanggang sa magabot na ang landas ng kanyang tinutulay. Kadalasan rin, tinatakbuhan pa rin siya ng tinulay sa oras ng problema sa relasyon. Minsan rin, siya ang sumasalo ng responsibilidad na pagbatiin ang magkarelasyon.

4. Spatial: Kadalasan, ang mga tulay ay mga kaibigang madali nating mapuntahan o di kaya naman ay madalas nating kasama (eg. eskwela, opisina, kapitbahay). 

5.
Temporal: Ang mga tulay ay laging nanjan sa oras ng pangangailangan.

6.
Relasyon: Maaring kaibigan, ka-opisina, ka-klase, ka-org at maari ring Abangers (Ramon Bautista, 2012) o may gusto sa’yo pero hindi mo gusto kaya na-friendzone pero inaabangan namang magbreak din kayo.

Kahalagahaan ng Isang Tulay 


     Ang tulay ang nagiging sagot sa ating indirectness sa pangliligaw o pag-amin ng nararamdaman. Malaki ang naitutulong nila sa courtship stage ng ating mga romantikong relasyon. Sila ang ating nagiging secret intelligence. Extension sila ng ating pakikiramdam, para mabawasan ang ambiguity sa pagitan ng tinutulay at niligawan. Kadalasan sila rin ang nagpapayo sa atin at nagpapalinaw ng mga cues na binigay n gating nililigawan. Pwede na rin silang maging interpreter kung nagpapakipot ba o walang interes sa atin ang ating natitipuhan. Dahil rin sa mga tulay, nakikita natin ang ating kultura ng indirectness at ambiguity sa mga relasyon. 

Mga Isyu na Kinakaharap ng Isang Tulay 


   
Isa sa isyu na kinakaharap ng mga tulay ay ang panganib na sila ay ang tulay ay magkagusto rin sa niligawan o sa mismong tinutulay. Kadalasan, na-friefriendzone ang mga tulay, at hindi rin lubos na napapasalamatan at nabibigyan ng halaga. 





Kinabukasan ng Tulay 


   Sa kakaibang stalking powers na naibibigay ng social networking sites, nababawasan na ang pangangailangan sa mga tulay. Imbis na dumaan muna sa tulay, malimit ay dumederetso na ang mga kabataan sa Facebook profile ng napupusuan. 



Mga Tulay sa Media


    Kahit sa mga palabas sa television at Internet, laging andoon ang tulay. Kung mapapansin sa mga soap operas, laging may bestfriend at confidant ang bidang babae o ang bidang lalaki na tinutulungan siya sa kanyang love life. Madalas din sa telebisyon, na ang tulay ay nahuhulog ang loob sa tinutulay o nililigawan. Kadalasan itong nagiging conflict at sumisira sa pagkakaibigan ng bidang babae o lalaki at ng kanyang bestfriend. Kadalasan, ang mga tulay din ay supporting role ng mga bida at ang spotlight ay nasa tinutulay o nililigawan. Sa mga palabas din, sa tulong ng tulay, nakakagawa ng mga pakulo ang lalaking nanliligaw, o di kaya naman, nalalaman ng babaeng nanliligaw ang mga gusto ng lalaki sa pamamagitan ng tulay. Sa pagtatapos ng kwento, kadalasan rin ay best man o maid of honor ang tulay kapag kinasal at happy ending na ang mga bida.Pag swinerte, pwede rin namang magkatuluyan ang tulay at tinutulay.




Mga Pinagkuhanan ng Imahe

Friends on a bridge. From the movie Simon Birch http://img.cineclub.com/images/2000/05/simon-birch-2.jpg
Friendzone:

II. Maka-kapwa ako!


Anebe Tologong Bet Mo?
Maging Maka-Kapwa!


       When I grow up, I want to be a doctor! Yun ang naalala kong sinambit ko nung pre-school graduation ko. Gusto ko maging doctor. Nung naging Grade 1 naman ako, pagiging dentist naman ang napupusuan ko kasi ako yung “Best Dental Health” awardee. Noong grade 5 ako, ballet dancer at ice skater naman ang pangarap ko kakanood ng “Ice Princess”. Pagtungtong ng high school, kurso naman sa pag-awit at paggawa ng kanta ang gusto ko. Naisip ko rin maging lawyer. Pwede ring teacher. Ay! Gusto ko ng Psychology!
     Kaya naman noong nag-exam ako sa kolehiyo, bawat university, iba-ibang kurso. Ngayon ako ay Broadcast Communication student na lumilinya sa Advertising at Marketing. Kung akala ninyo na nagtatapos na ang kaguluhan ng brains ko sa gusto kong maging sa buhay, nagkakamali kayo. Habang lalong lumilinaw sa akin ang landas ng Advertising at Marketing, lalo rin namang lumalabo ang kagustuhan kong magpatuloy sa landas na iyon. 

Marahil tunog “cheesy, idealistic, at too-good-to-be-true” pero sa tatlong taon ko dito sa UP Diliman, napagtanto kong gusto kong maging pagkatapos ko magaral. Gusto kong luminya pa rin sa Advertising at Marketing, pero nais ko na sa isang government institution or NGO magtrabaho. 

Bakit doon? Dahil para sa akin, ang makapaglingkod para sa kapwa ay isang pangarap na magandang pangarapin pero ang hirap gawin. Naniniwala kasi ako na bilang Iska ay may utang na loob ako sa aking mga kapwa Pilipino, at ninanais ng puso ko na maibalik ang buwis nila sa pamamagitan ng paglilingkod sa bayan at pagcontribute sa ikabubuti ng mas nakararami—isang tanda ng pagiging makakapwa. 


Ngunit paano nga ba maipapakita sa konkretong paraan ang pagiging maka-kapwa sa pagtratrabaho sa isang NGO o gobyerno? Naisip ko gamitin ang sa THINK-FEEL-DO model (eg. What do I want to think, feel, or do?)

THINK

Dapat isipin ko na ako ay may pananagutan saorganisasyong aking kinabibilangan, mga nakatataas sa akin, mga kapwa manggagawa  at lalo na 
sa kapwa Pillipinong aking paglilingkuran.
  FEEL 
Dapat maiparamdam ko rin sa kanila ang aking malasakit sa trabahosa kapwa tao, at sa mamamayang pinaglilingkuran.

DO
Dapat ako ay makipagbayanihan para sa mas kolektibo at mas maunlad na paglilingkod sa ating mamamayan.

Para mas konkreto ang bagay-bagay, ito ang mga Do's and Don'ts:

THINK of your PANANAGUTAN! (Do’s and Don’ts)

DO: Maging masipag at masinop sa pagtratrabaho dahil ang pagiging produktibo ay nagpapakita ng sense of responsibility na meron ka. Mangyaring tapusin rin ang inutos sa’yo ng boss mo sa tamang oras at sa pinaka-maayos na paraan. Isipin mo rin na ikaw ay may pananagutan sa bayan na pinagsisilbihan mo. Isipin lagi na may kabutihang idudulot ang bawat effort sa mamamayan.


DON’T: Huwag maging tamad, at bara-bara ang trabaho. Naipapakita nito na hindi ka maka-kapwa. Huwag din baliwalain ang mga taong pinaglilingkuran (eg. sa opisina, mga pamilyang tinutulungan) dahil pananagutan mong tratuhin silang parang tao at respetuhin sila bilang tao. Huwag din maging corrupt. Patas dapat ang trato sa lahat ng pinagseserbisyuhan. 
FEEL MALASAKIT! (Do’s and Don’ts)
DO: Magmalasakit sa organisasyon, sa boss, at sa mga pinaglilingkurang tao. Maipapakita ang malasakit sa organisasyon at boss kung gagawin mo ang trabaho higit pa sa inaasahan sa iyo. Dapat rin ay may malasakit sa taumbayang pinaglilingkuran. Kahit hindi bahagi ng trabaho mo na laging ngumiti, maging accommodating, at tulungan ang mga humihingi ng iyong serbisyo, gawin mo pa rin nito dahil sa malasakit at kagandang-loob. Magpakita rin ng malasakit sa kapwa mo manggagawa. Ang simpleng pagtatanong at pagpapakita na ikaw ay may malasakit ay may impact sa tao.
DON’T: Isa sa nalilimutan kadalasan ng mga government employees ay ang malasakit sa taumbayan. Hindi naman natin maitatanggi na minsan ay may mga pasaway talaga, ngunit hindi ito dahilan para magsungit at maging arogante ka sa mga pinaglilingkurang kapwa Pilipino: wala man silang pinag-aralan, o mababa man ang kinikita nila. Halimbawa na lamang ay ang ibang nagtratrabaho sa government offices na napakasungit at hindi entertaining sa mga tanong. Kahit nga sa UP minsan ay madaming ganito. Nakakatakot at nakakaintimidate bilang estudyante na magtanong dahil ang sungit at asim agad ng aura ng mga naglilingkod sa’yo. 



DO: Makipagbayanihan!
        DO: Makipagkaisa sa organisasyon, at kapwa manggagawa tungo sa isang hangarin: ang makapaglingkod ng maayos at may malasakit sa taumbayan. Gawin at ipakita sa paglilingkod ang mga Core Values na pinanghahawakan ng organisasyon. Ang Mission, Vision at Core Values ay hindi display sa “About Us” ng organisasyon. Ginawa ito para isa-isip at isapuso tungo sa isang hangarin. Talakayin sa kapwa manggagawa ang mga paraan para makapaglingkod ng mas mabilis at convenient sa taumbayan. Hikayatin ang mga mamamayan na tumulong isulong ang hangarin ng organisasyon. Subukan maglungsad ng mga kaganapan kung saan maabot sila at maririnig din ang panig nila sa mga isyung tinatalakay ng organisasyon.
DON’T: Huwag sarilihin ang trabaho at kaalaman. Mas maraming nakikiisa, mas malakas ang pwersa tungong pagbabago.


       Hindi madaling maging maka-kapwa, ngunit ang pinakamagandang pormula para magawa ito ay isapuso ang pagiging Pilipino, mahalin ang bayan at ang taumbayan. Tama na ang hindi pakikiisa at debate. Tama na ang salita. Dapat, simulan na natin ang aksyon: maliit man o malaki. Iba-iba man ang ating pangarap at gusting marating, magkaisa tayong pangaraping makapaglingkod sa bayan.










Mga pinagkuhanan ng larawan:





Saturday, April 6, 2013

I. Tikman ang Sarap ng Buhay sa Sarah's


Sarah's 
Taste life's goodness.

Maligayang pagdating po sa inyo! Nais ko pong ipamahagi sa inyo ang tamis at kagandahan ng buhay, hindi dahil sa karangyaan, kung hindi dahil sa kung ano ba ang talagang nakapagpapasaya sa aking simpleng buhay.

Appetizers
Mga patikim na detalye patungkol kay Sarah

Tacos with Ground Sheep and Barbecue Sauce ..P 21 y.o.
Sheep ang Zodiac Sign. Ang malambing na dalagang ito ay pinanganak noong Hulyo 10, 1991 sa Maynila. 

Sweet and Sour Pinay dipped in Spicy Cavite Sauce .. P 5 years
Sa kasalukuyan, nakatira siya sa lugar ng matatapang: Silang, Cavite. Sweet kasi malambing, maalalahanin, at mapagmahal ang Pinay na ito. Pero madalas, moody rin siya kaya sour. Sa di maintindihang dahilan biglang hindi namamansin o magsusungit. Tampururot ba. Minsan rin sasabihin “okay” siya kahit hindi. 

Stuffed Mini Cheese Sandwiches .. P 3 siblings
Sa tatlong magkakapatid, ang pandak at cheesy na sa si Sarah ay nasa gitna: middle child siya. Ang pagiging middle child ay nakalilito: isa kang tagasunod at tagapasunod. Liban dito, kadalasan, tagasalo siya ng gawaing bahay na ayaw gawin ng kanyang mga kapatid.



Mama and Papa’s Love Vegetable Soup .. Priceless
Puno ng sangkap ng pagmamahal mula sa kanyang mga magulang na sina Cristina at Richard Gellor, ang kanilang pagpapalaki  ang nagpalakas, naghulma, at nagpuno sa kanyang nagugutom na kamalayan. Sila rin ang nagturo sa kanya na manalig sa Diyos, at maging matulungin sa kapwa. 

Gourmet Chicken Intestines  .. P 3rd year
Sikat na Mang Larry’s Isaw. Sikat na unibersidad sa Pilipinas. Ang babaeng ito ay nagmula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nasa ikatlong taon na siya ng pagaaral ng Broadcast Communication. Binago ng UP ang pagkakakilanlan niya. Binabansagan siyang “Walking Google” ng mga ka-intern niya. Bawat pagbabago sa ugali niya ay binabansagan na pagiging “liberal” dahil daw siya ay taga-UP. Pero liban sa tingin sa kanya ng mga tao, nagiba rin naman talaga ang pagtingin niya sa kanyang sarili. May yabang dahil UP, pero mas tumindi ang pagnanais niyang maglingkod sa kapwa Pilipino.


Specialties
Mga pinakamasarap na pinagsamahan



Pan Roasted Sea-nging Bass  .. P 21/2 years
Isa sa mga pinakamamahal na sining ni Sarah ang pag-awit. Mula pagkabata ay hilig niya na ito. Pagtungtong niya sa kolehiyo, hindi niya binalak sumali ng mga organisasyon. Ngunit ang puso niya ay dinala siya sa isang grupong di niya aakalaing mamahalin niya: Himig Maskom, ang opisyal na singing group ng kolehiyo. Ngayon siya na ang lider ng grupo at binabahagi niya sa kanyang mga miyembro ang puso sa pagkanta na taglay niya. 



Sinigang na Babcees  .. P 1st yr college
Matikman mo man ang ibang putahe, babalik at babalik ka pa rin sa paborito mong sinigang. Ang BABCEES ay grupo ng mga kaibigan ni Sarah sa UP noong freshie pa siya. Dahil sa kanila, nawala ang kanyang kagustuhan na magshift sa ibang kurso. Sila ang nagturo sa kanya na bagama't iba-iba ng ugali ay pwedeng magsama-sama at maging magkakaibigan. Sila rin naman ang binabalik-balikan ni Sarah sa oras ng kaligayahan o kalungkutan. Ano man ang matikman ni Sarah, hahanap-hanapin niyang malasap ang kasiyahan dulot ng Sinigang na Babcees. 


Main Course
Mga kakayahan at talento
(Micro)Soft and Tender Beef Morcon fully stuffed w/ Applications  .. P riceless
Mahusay gumamit at maalam sa Word, Excel at Powerpoint

    
Grilled Vegas-table Kebabs ..Priceless
 Malaman ang kaalaman sa pag-eeditgamit ang Sony Vegas, Movie Maker at Cyberlink Powerdirector kahit grilled ng deadlines

Beef Steak with Tear-jerking Onion Rings  .. P riceless
Mahusay at talentado sa pagarte at pagperform. Maiiyak ka sa galing.

    Creative Juices
Ilang Malikhaing Proyekto sa Advertising 

Clearvoyance Mineral Water  .. P 1.50 grade
Isang kakaibang produktong ginawa ng malikhaing utak ni Sarah at mga kagrupo niya para sa Advertising and the Broadcast Media class. Dahil sa produktong ito, hindi mo na kailangang magsalamin o mag-contact lenses pa. Isang patak lang bawat anim na oras, ay lilinaw ang mata mo. Dagdag pa rito, may gabay si Sarah kung paano ito maibebenta sa marketo.


Take It Off! Full of Love and Calorie Juice  .. P 174
Isang konsepto para sa isang TV show ang Take It Off! kung saan ang mga extra curvy na Pinay ay mabibigyan ng pagkakataon na ma-makeover mula ulo hanggang paa para malaman nila ang fashion na lalong magpapaganda sa kanila. Pinanganak itong konsepto na ito dahil sa naisip ni Sarah ang kakulangan ng palabas na may kinalaman sa fashion at beauty para sa mga extra curvy na Pinay. Naniniwala si Sarah na dapat yakapin ang iyong kagandahan mapaanong hugis ng katawan at ang tunay na kagandahan ay nagmumula sa pagmamahal sa sarili.


Desserts
Katauhan ni Sarah at ilang mga nakamit sa buhay

Triple Chocolate  .. P 143
Si Sarah ay mapagmahal, at sweet sa kanyang mga kaibigan, pamilya, at minamahal. Marunong siyang makinig, at maghayag din ng saloobin, dahil naniniwala siyang ang tunay na magkaibigan ay nagdadamayan. Mahilig siyang mag-alaga at yumakap sa mga taong nangangailangan ng tulong niya. 


Comfort Ice Cream ala Sad Mode  .. P 143
Malungkot ka ba ngayon? Depressed? Itong Ice Cream na ito ni Sarah ang perfect comfort sa kalungkutan. Napaka-caring at other-oriented ni Sarah, minsan nga ay mas madalas nagagamit niya ang accommodative values niya. Masarap din siya kausap sa panahon ng kalungkutan.



Presidential Desserts and Awards Bar  .. P 143
Ilan sa mga nakamit ni Sarah sa buhay ay ang UP Presidential Scholarship, Citizens’ Battle Against Corruption Partylist Scholarship, University and College Scholar, at UP CMC Gawad Mag-aaral 2013. Ang ganitong pagpapala ang patuloy na nagiging inspirasyon niya sa kanyang pag-aaral. Ito rin ay nagiging sense of pride niya.











Mga Link na Pinagkuhanan ng Mga Imahe:
Chocolate Cake. http://thehungrydudes.com/wpcontent/uploads/2011/02/tumblr_lhalelIrRC1qzwciio1_500.jpg
Desserts Bar. http://www.hersheyfarm.com/_images/live/dessertbar11web.jpg